We're LIVE! Join us as we stream BAC Activities
MRT-3 Wheel Truing: Manual to Automated

By Merrowen Mendoza on July 08, 2019 under News

dc644bfb-3fca-4bd2-8a9a-d1b7c8a13c6c.jpg

NOON, taong 2014, nasira ang wheel lathe machine ng MRT-3. Ito ang makinang ginagamit para sa wheel truing o profiling upang mapakinis ang mga gulong ng tren para sa mas maayos nitong pagtakbo sa linya.

Gayunman, mula nang masira ang wheel lathe machine, hindi na ito ipinaayos ng dating maintenance service provider ng MRT-3 na Busan Universal Rail Inc. (BURI), at sa halip ay iniwan itong nakatengga.

Dahil dito, pansamantalang ginamit ang Turret Lathe Machine upang kahit papaano'y makakapag-reshape pa rin ng mga gulong ng bagon.

Gayunman, dahil sa limitasyon ng Turret Lathe Machine, mabagal ang wheel profiling dahil paisa-isa pang tinatanggal ang mga gulong ng MRT-3 para sa reshaping. Dahil sa laki at bigat ng mga gulong, gayundin ang oras na inilalaan sa pagbabaklas at paglilipat ng mga ito, malaking panahon ang naaaksaya.

NGAYON, operational at napakikinabangan nang muli ang wheel lathe machine. Katuwang ang MRT-3 Maintenance Transition Team, Atlas Rail/Pink Armour Corporation at Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries, naisaayos na ang makina.

Dahil sa otomatikong programa ng wheel lathe machine, hindi lang naging mas mabilis, kundi naging mas pulido pa, ang pagkinis ng gulong ng mga tren.

Sa pamamagitan nito at sa pagdating ng mga bagong riles, mas maiiwasan na ang pagkakatagtag ng mga bagon, at inaasahang mababawasan ang mga breakdown ng MRT-3.

Tuluy-tuloy po ang pagbabagong mararamdaman ng mga Pilipino sa ilalim ng komprehensibong rehabilitasyon ng MRT-3, na inaasahang matatapos sa July 2021.